Katulad ng dati, ito ay isa na namang gabing puno
ng hindi
matapos tapos na kalungkutan.
Humihimlay habang nakatingala sa kawalan.
Ang mga mata’y unti unting ipinipikit,
Pinipilit na
makatakas sa katotohanan pero pilit
na bumabalik yung alaala nang iyong pagkawala. At ako,
Ako’y naiwang duguan. Kaya ngayong gabi, ang pagpatak nitong
mga luha,Ang siyang magiging hudyat
na ang himagsikan ay nagsisimula.
Paghihimagsik ng damdaming sabik, sayong yakap at mga halik.
Dahil ang pagkatao’y sinakop na ng sakit.
Sinakop na tulad ng mga dayuhang umalipin sa ating bayan.
Inagawan ng kasarinlan at kinamkam ang buong kalupaan.
Dala-dala nila’y matatalim na espada
kaya’t anong laban ng
aking salita?
At sa halip na dugo ang dumanak, luha ang bumabaha.
Patuloy akong nakikipaglaban sa digmaang mula simula,
alam ko nang pagkatalo ang kahihinatnan. Na mula simula,
tila imposibleng pagtagumpayan itong himagsikan.
Kaya ngayon, ako’y nakakulong sa mala hawlang poot.
Nakatanikala sa lungkot. Sumusulyap sa itaas,
at humihiling na sana abutin pa ng bukas.
Dahil baka bukas bumalik ka.
Baka bukas lahat ng sugat na ito'y maghilom na.
Na sana bukas, itong pagkataong sinakop ay makalaya na.
Ngayong gabi, sa gitna nitong kalungkutan,
ako’y mistulang
Crisostomo Ibarra.
Na ang himagsikan ay idinaan sa pagsulat nitong mga talata.
Ang bawat luha ay tila naging tinta
ng plumang naglilikha sa
bawat salita.
Na kahit sinakop na ng sakit,
At ngayon ay nakapiit,
patuloy pa ring maghihimagsik.
Subalit kung ang panaghoy ay hindi na abutin ng umaga, hanggang
sa kahuli hulihang hininga, ipaglalaban pa rin kita...
...aking Maria Clara.